Archive for April, 2007

panandalian

Saturday, April 28th, 2007

tila nananaginip pa rin…

kung sa’n ang oras ay hawak natin;

kung sa’n tangay na tayo ng bulong ng hangin,

kung sa’n atin ang mundo’t papawirin…

at ngayo’y andito akong muli…

tuliro’t malayo ang isip sa pagtitig;

nakadungaw sa bintana ng pag-iisa,

kasama ang pusong labis na nangungulila

tila nalalapit na ang taning…

sasalubong na ang liwanag ng bukang liwayway;

gigising na naman sa katotohanang wala ka,

panibagong bukas sa aking alaala…

pero kahit na sandali lamang nating binihag ang mundo…

lagi mo namang binibihag ang puso ko…

pagsamo

Sunday, April 22nd, 2007

tila hindi natin maiwasan ang paglamig ng hangin

at ang buhay sa kanyang ihip ay unti-unting nawawala

paandap-andap ang tingkad ng mga bitwin

kaagapay ang kadilimang hinahatid ng gabi

hayaan mong kumutan ko ang iyong alinlangan

at samahan kang balikan ang ating pinagsamahan

hayaan mong pawiin ko ang lamig

sa init nating noon pa ma’y naramdaman

tititig na lang ako sa kalangitan at sa buwan

tititig sa malayo’t iisipin kung pano tayo makakabalik

dahil hindi ako papayag na unti-unti nating bitawan

ang tamis ng bawat segundong sa puso ko’y ikaw ang tanging laman

sa marinig mo ang bulong ng kaluluwang ito

at bigyang halaga ang kanyang pagsamo…

sa likod ng anino

Sunday, April 15th, 2007

(para sa mga taong binibigyan ko ng halaga)

hanggang kelan ka ba magatatago sa likod ng iyong anino

at patuloy na mababalot ng dilim sa gitna ng kawalan

kung saan ang madilim na gabi ang tangi mong kaibigan

kahit na nasa langit pa ang mga tala at buwan

patuloy lang bang iidlip at ipipikit ang mga mata

ipagwawalang bahala na lamang ang liwanag na pwedeng madama

ipagkakait pa rin ba sa sarili ang karapatang lumigaya

at ipagpapatuloy ang buhay sa kahapong lumipas na

sa likod ka na lang ba ng iyong anino aasa?

sa likod na lang ng anino magtatago ng iyong nadarama…

kakapit pa rin ba sa mga alaala ng kahapong pumipigil sa pag-asa…

kahit na ang buhay mo’y unti-unti ng nawawalan ng halaga…

ngunit kahit ang langit ma’y umaasa pa ring mahahanap mo,

ang katotohanang may buhay ka pa sa labas ng iyong anino…

huling gabi by sugarfree

Sunday, April 8th, 2007

Kapansin-pansin ang ‘yong ganda ngayong gabi

At ang lungkot sa ‘yong mga ngiti

Ang kislap sa iyong mga mata’y wala na

Kita sa ‘yong tingi’y nagsasabing tapos na ang lahat sa atin

Ito na ang gating huling gabi

Hagkan natin ang bawat sandaling nalalabi

Ng gabing kailan ma’y hindi malilimutan

Habang mata’y nakapikit

Niyakap mo akong mahigpit

Hanggang lumuhang kay pait

Hanggang sa kahuli-hulihang saglit

Kumapit tayong tunay na pagkahigpit-higpit

Hanggang may dumulas, hanggang hindi na kaya

Sino ang unang bumitaw? Sino ang unang bumigay?

Sino ang unang bumitaw? Sino ang unang bumigay….

"Hagkan natin ang bawat sandaling nalalabi…"

harapin

Saturday, April 7th, 2007

tuloy tuloy lang tayo sa paglakad…

iihip lang ang hangin patungo sa hindi natin nalalaman… wala tayong inaasahan hanggang sa atin na lang malaman… hindi natin malaman kung san tayo pupunta… hindi natin alam kung san tayo mapapadpad…

akala nati’y tama na ang ating tinahak hanggang sa malaman natin… hanggang sa tayo’y madapa’t bumagsak… hanggang sa maisip nating muling tumingin sa daan… hanggang maisip nating kailangan na nating tumayo’t magsimulang muli…

natututo tayong mag-ingat, napipilitan tayong magsara ng sarili… natatakot na tayong masaktan, madapang muli… sino nga bang gustong makaranas ng pasakit muli? sino nga bang gustong lumuhang muli?

patuloy lang ang buhay at patuloy lang ang ating paglalakad… paano na tayo kung mananatili tayong nakakulong sa sarili nating gunita? paano kung nakahinto na tayo sa ating paniniwala? paano kung madaanan na natin ang tama…

harapin lang natin ang bukas at umasa sa parating na umaga…